Magtiis Ka Muna

Hindi ka pa isinisilang
Ay inihahanda ka na ng mundo
Sa paghihintay at pagtitiis

Humihikbi
Habang mahigpit na hawak ang kamay
Ng asawang walang magawa kundi maghintay
Nanghihina na sa sobrang sakit
Nakahigang gustong mamilipit
Pero dapat tahimik lang ang pagdaing
Di puwedeng magreklamo
Dahil pila-pila din ang inaasikaso
Ng mga doktor at nars
Na manganganak sa araw na iyon
“Tiis-tiis lang po”, sabi nila.
Kaya lulunok ka na lang, tatango.
Di puwedeng magreklamo
Dahil alam mong kulang ang ibabayad mo
O di mo nga alam kung ilang piso
Ang laman ng pitakang
Binutas na sadya ng tadhana…

Fast forward tayo
Sa panahong malaki na nang kaunti ang anak mo
Nakatungo siya sa bintana
Habang naghihintay sa tatay niyang
Nakipagsapalaran
At mag-uuwi ng pagkaing pagsasaluhan
Ngayong gabi hanggang bukas sa umagahan
O kung pati aabot sa tanghalian.
“Anak, magtiis ka muna,” sabi mo.
“Darating na ang tatay mo.”
Ngingiti siya kahit na rinig mo na
Ang nagrereklamong bituka niya.
Gutom ka na.
Gutom na rin siya.
Gutom na gutom na.
Pero magtitiis muna.

Dumami ang kapatid niya
Ilang taon ang makalipas
At ilan doon ay katulong mo na
Sa pag-aayos sa bahay
At tinuturuan mong mabuhay:
“Mamaluktot kayo, mga anak
Sa panyong itong kunwaring kumot.”
Ang ikalawa, ikatlo at ikaapat
Sa magkakapatid ay tinuturuan mong
Bumasa ng ABAKADA
Dahil ang panganay pa lang ang nag-aaral
Siya pa lang ang kayang mag-aral.
“Tiis muna, mga anak.
Si ate muna ang mag-aaral.
Pagtapos niya’y ikaw naman.
Tapos ay ikaw. Tapos ay ikaw.”

Nagtapos ang panganay mo
At handa na siyang magbanat ng buto
Pero dahil di siya nagtapos sa paaralang sikat
Doon sa bayan
Ay nahirapan siyang makapasok
Sa trabahong handa naman niyang gawin
Kaya naman niyang gawin
At gustong gusto niyang gawin.
“Magtiis ka muna sa sweldong ganyan.
Magaling siyang mag-Ingles.
Nagtapos siya sa ganitong unibesidad.
Ikaw, galingan mo pa.
Patunayan mong kaya mong tapatan
Ang talino niya,” sabi nila sa kanya.
Nagtiis ang anak mo.
Natutunan niya ang dapat
At naging magaling siya.
Tumagal siya doon dahil minahal niya ang kumpanya.
Habang yung kasabayan niyang sobrang tiningala ni bossing,
Matagal nang umalis para maghanap ng iba.
Magaling ‘di ba?

Magtitiis muna siya.
Kakalimutan ang pag-ibig para sa pamilya.
Karga niya sa likuran
Lahat ng kapangalan
Umaasang matatawid na sa wakas ang kahirapan.
Pero habang lumalakad siya sa tulay
Papunta sa masaganang buhay
Ay humahaba ang daan
Pabigat nang pabigat ang nakapisan
Dahil patagal nang patagal na niyang bitbit
Nasanay na siyang laging gipit
Nagtitiis, naghihintay
Ng kamay na magpapatigil sa paghaba ng tulay
Para makarating naman sila
Nang buhay at may dignidad
Sa dulo.

Hanggang sa panahong
Nag-asawa na siya at magkakapamilya na rin.
Pinagmamasdan mo siya
Habang butil-butil ang pawis
Namamalipit sa sakit
Naghihintay, nagtitiis
Habang hawak ang kamay
Ng asawa niyang kasabay mong naghihintay
Sabi mo na lang,
“Dapat tahimik lang ang pagdaing…
Alam mo na dapat na walang darating
Para pawiin ang pagtitiis.”

Hindi ka pa isinisilang
Ay inihahanda ka na ng mundo
Sa paghihintay at pagtitiis
Dahil wala pang gunting
Na kayang pumutol
Sa lubid ng paghihirap
Kahit gaano ka pa magsumikap

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s