Dear Chard: Chapter Four

Author’s Note:

If you have’t read the first three chapters, click the following links: One, Two and Three




NAGISING si Grasya dahil parang binibiyak sa sakit ang ulo niya. Pilit niyang inalala ang nangyari nang nagdaang gabi pero hindi niya mapagtagni-tagni ang mga nangyari. Basta ang alam lang niya ay nalasing siya dahil tinira niya ang buong bote ng alak ni Chard.

Napapikit uli siya. “Bakit ba kasi ako nagtapang-tapangang maglasing!” kastigo niya sa sarili. College pa siya noong huling beses na maglasing at nangako siya noon na hindi na uulit.

Sunod-sunod na nag-ring ang cell phone niya. Noong una ay hindi niya iyon pinapansin. Pero nang sa palagay niya walang balak tumigil ang kung sinumang tumatawag ay napilitan siyang bumangon. “Istorbo,” bulong niya bago sinagot ang unregistered number na tumatawag.

“Good morning, Grasya!” masiglang bati ng pamilyar na boses ng isang lalaki sa kabilang linya.

“C-Chard?” gulat naman niyang sagot nang makilala ang boses.

“Kumusta na ang pakiramdam mo?” tatawa-tawang sabi nito.

Nagtaka pa si Grasya kung bakit ito nangungumusta. “O-okay naman. Masakit ulo. Other than that, I think I’m good.”

Tumikhim ito. “That’s good. Tumawag lang ako para ipaalam na may finorward akong video sa Facebook mo. I asked Grasyela last night kung ano ang account mo at mobile number.”

“A-ah. Bakit?” tanong niya. Hindi niya maisip kung bakit kinakailangang kunin ni Chard ang number at FB account niya kay Grasyela. At ang kapatid naman niya, ibinigay nang hindi nagsasabi sa kanya!

“We’re neighbors. I should know your number. Baka kailanganin mo ang tulong ng isang guwapong tulad ko isa sa mga araw na ito. At least you know my number.” May amusement sa boses nito.

Tumaas naman ang kilay niya. “Hay naku. May bagyo ba? Ang lakas ng hangin bigla dito sa loob ng kuwarto namin. Oh, my golly!” sarkastikong sagot niya at ipinaikot pa ang mga mata.

Tawa ang isinagot ni Chard sa kabilang linya. “O, sige na. Tingnan mo ang video na sinend ko sa `yo para sumaya ka naman.”

“Kung video mo iyon habang nahuhulog sa poso negro, siguradong buo na naman ang araw ko,” ganti niya.

“Grasya!”

“Bye, Charlitow Dariow!” sabi niya at saka pinatay ang tawag.

Napangiti na nang tuluyan si Grasya at parang gumaan ang pakiramdam. Kinuha niya ang laptop at agad nag-log in sa Facebook. Nanlaki pa ang mga mata niya nang mapanood ang video na tinutukoy ni Chard!

“Dariooooo!” buong lakas na sigaw niya. Paano ba naman, video niya iyon habang nasa sasakyan nito kagabi at paulit-ulit na nagsasabing hindi siya lasing. Nakapikit pa siya at halatang lango sa alak. Dinig na dinig niya sa video ang tawa ng lalaki at hagikgik ni Grasyela. Pinagkaisahan siya ng dalawa!

Agad siyang bumangon. Hindi na niya inalam pa ang hitsura sa salamin. Basta mabilis siyang lumabas ng kuwarto at patakbong bumaba ng hagdan. Walang sinuman ang makakapigil sa kanya na lukutin ang pagmumukha ni Chard Tan!

“Hoy! Buksan mo `tong gate n’yo!” sigaw ni Grasya nang mapatapat sa bahay ni Chard. Sunod-sunod niyang pinindot ang doorbell habang kinakalampag ang gate. “Charlito! Lumabas ka diyan!” paghahamon pa niya.

Nakangiting dumungaw si Chard sa pinto. “Ano’ng kailangan mo, Grasya?” nang-aasar ang mukha na sabi nito.

“Alam mo, guwapo ka sana, eh! Kaya lang, `yang mukha mo, mukhang poso negro!” sigaw niya. “Papasukin mo `ko!” utos niya.

“Bakit kita papapasukin?” kunwari ay inosenteng tanong nito.

“Mamili ka. Buburahin mo ang video ko o buburahin ko `yang mukha mo?” pagbabanta niya.

Humalakhak naman si Chard at tuluyan nang nagpakita sa kanya. Papalapit na ito sa gate para pagbuksan siya nang mapansin niya ang kabuuan nito. Kakagising lang din ng lalaki. Halata iyon dahil naka-boxers at puting T-shirt lang ito. Gulo-gulo rin ang buhok nito at parang kababangon lang mula sa kama.

Napalunok si Grasya at napatigil sa pag-iisip ng masama laban sa lalaki. Kung nasa isang pelikula lang siya, iyon ang moment na naglalakad si Chard sa harap niya nang slow motion. At siya, nakatitig lang sa boxers nito at nanlalaki ang mga mata at bumibilog ang bibig. Gusto sana niyang takpan ang mga mata para hindi magkasala pero ayaw gumalaw ng kanyang mga kamay. Mabuti na lang at nagawa niyang iangat ang tingin sa mukha nitong bahagya pang nakangiti.

What a good morning! sabi ng isang parte niya na naka-appreciate sa hitsura ni Chard.

“Tuloy ka, Grasya,” masiglang paanyaya nito.

Hindi tuloy niya maintindihan ang biglang naramdaman. Unti-unti nang nawawala ang inis niya. Pero ang awkward naman kung bigla siyang magiging mabait sa lalaki. Kaya kahit biglaang naging maayos na at kalmado, ipinagpatuloy pa rin niya ang pagsusungit.

Tumikhim siya. “`W-wag kang ngingiti-ngiti diyan, Charlito Dario. Ang ganda ng umaga ko, sinisira mo,” she hissed.

“Akala ko ba, titigilan mo na ang pagsasabi ng buong pangalan ko?”

“Are you being nice to me? Hindi, `di ba? Kaya ibalik natin sa Charlito Dario ang pangalan mo,” matatag niyang sagot.

“Hindi ka naman mabiro. I’m having my breakfast. Do you want to join me?”

Umismid si Grasya at pinasadahan ito ng tingin mula ulo hanggang paa. “Ang lakas ng loob mong yayain akong kumain nang ganyan ang hitsura mo!” aniya. Pero sa totoo lang, wala siyang pakialam kahit ano pa ang hitsura ni Chard. He looked clean and very nice.

Yeah, so nice and so handsome, too! singit na naman ng isang bahagi niya.

Mayamaya ay mas lumapit pa si Chard sa kanya at hinaplos ang kanyang buhok na para bang inaayos iyon. Ramdam niya ang init ng katawan nito. “Ikaw nga, lumalabas ka ng bahay nang hindi nagsusuklay. Akala ko may pugad na ng ibon dito,” nakangiting sabi nito habang abala sa pag-aayos ng kanyang buhok.

Napakasuyo ng ginawa ni Chard at hindi mapigilan ni Grasya ang pangingilabot. Tinapik niya ang kamay nito. At hayun na naman ang kakaibang pakiramdam nang mahawakan niya ang kamay ng lalaki.

“H-halika na nga. Nagugutom na ako!” At nauna na siya papasok sa bahay.

 

 

WALA kang kasama dito? Bakit natatakpan pa `yong ibang gamit mo?” nagtatakang tanong ni Grasya habang inililibot ang tingin sa kabuuan ng bahay.

“Mag-isa lang akong nakatira dito at kakabalik ko lang din. Noong araw na magkabanggaan tayo, iyon ang araw ng flight ko papunta dito. Hindi ko pa nga natatapos ayusin ang lahat,” paliwanag naman ni Chard.

“Sigurado ako na bagong lipat ka lang dito kasi noong huling uwi ko, bakante pa ang bahay na `to.”

“Yes. Kakalipat ko lang noong nakaraang taon bago mag-New Year. Pero taga-Capogian Grande talaga ako. My family owned a farm house in Norte del Sol back then but when they went to the States and lived there for good, I put that on sale. Nang maibenta ko ang bahay namin, I bought this house. Hindi naman ako madalas magtagal dito dahil nasa Manila ang buhay ko. Kaya ganito pa ang hitsura ng bahay. Paminsan-minsan na lang kasi ako umuuwi dito.”

Sinamahan siya ni Chard sa dining area at ipinaghila ng upuan. “Sit here. I’ll just get the plate for you,” sabi nito. “Capogian Grande has a lot to offer. Ang mga mamamayan ng CG na bumibili dati ng mga lupain sa ibang lugar, eh, naengganyo nang mag-stay sa lugar natin at dito na lang bumili ng lupa at bahay. Gov. Alcantara did his best to make our province worth staying for. Kaya kung mapapansin mo, itong Grande Heights, biglang dumami ang tao. The management put a lot of effort to market this place.”

Kumalam ang sikmura ni Grasya dahil ang sarap ng pagkaing nakahain sa harap niya. “Kaya pala ngayon lang kami nagkaroon ng mga kapitbahay. In fairness sa Capogian Grande, umaasenso na tayo. Dati, iilan lang kami dito street na ito. Ngayon, hindi ko na alam kung ilan na ang nadagdag.”

Ipinagsandok siya ni Chard ng kanin, tocino, at itlog. “Do you like ketsup? `Cause I love ketsup,” sabi nito, seryoso sa pagsisilbi sa kanya.

“Ako na lang ang maglalagay niyan. Umupo ka na rin at ipagpatuloy mo na ang pagkain mo.”

Umupo na ito katapat niya at nagsimulang kumain. “Oo. Nagulat din ako sa nakikita kong pagbabago dito. Governor Deo wants me to organize the opening of Capogian Grande Cares Orphanage and the first ever festival of the province. Mabuti na ring may pagkaabalahan ako habang nandito sa CG.”

Nanlaki ang mga mata ni Grasya. “You’ll organize the opening of the orphanage? Wow! I’m going to be the one in charge of that place!” nae-excite niyang pahayag.

“Nasabi mo na kagabi ang tungkol sa bagay na `yan, Grasya. At sa tingin ko, madalas tayong magkikita dahil magsisimula na ang pag-aayos ko ng opening ng ampunan. Saka hindi ko pala nasabi sa `yo kagabi. Hindi ko akalain na social worker ka. Parang wala sa hitsura mo,” natatawang komento nito bago sumubo.

“`Sama nito. Don’t judge the book by its cover!” sabi niya.

“O, galit ka na naman. I am just saying my first impression of you. Masyado kang active para mamalagi sa loob ng isang institution. Besides, baka mahawa ang mga bata sa kakulitan at kasamaan mo ng ugali. Mahirap na,” pang-aasar na naman nito.

“Alam mo, huwag ka nang magsalita tungkol sa trabaho ko. I love being a social worker kaya kahit forever ako sa ampunan, okay lang! Eh, ikaw? Sikat ka na sa Manila, ah. Bakit kailangan mo pang bumalik dito sa atin? Siguro nagtatago ka dahil kalat sa balita ang pagkahulog mo sa poso negro, `no? I even saw another article christening you with the name ‘Chard, the Poso Negro Man,’” sabi niya. Nakakapagtaka na hindi siya natawa. Gutom lang siguro siya.

Bumuntong-hininga ito at napahawak sa noo. “I don’t want to remember that.”

“Bakit ka ba kasi nahulog? Ang sabi lang sa news, namamasyal ka sa park at pagkatapos, hindi mo napansin ang bukas na poso negro kaya ka nahulog. Pero sa tingin ko, imposibleng hindi mo iyon mapansin kasi maaamoy mo iyon kahit malayo ka pa lang! Eww kaya! Ano’ng feeling na mahulog doon?”

“Sabi ko, ayokong alalahanin iyon. Paniwalaan mo na lang ang balita dahil iyon naman ang totoo. I… I was just careless dahil hindi ko napansin iyon kaya… kaya… nahulog ako,” nakatiim-bagang nitong paliwanag. Matalim ang mga mata ni Chard na tumatagos sa kanya pero may pakiramdam siyang hindi nakalaan sa kanya ang galit nito.

Nagkibit-balikat na lang si Grasya. “Ay, tanga ka,” tuya niya, sabay tawa.

“Ia-upload ko publicly ang video mo kapag hindi mo ako tinigilan!” banta nito.

Agad naman niyang naitikom ang bibig. Ngayong nakahanap na si Chard ng alas laban sa kanya, hindi na niya ito palagiang maiinis.

“I demand you to erase that video!” akala mo reyna na utos niya. Dinuro pa niya ito.

“At bakit ko naman gagawin `yon? Nakakatuwa kaya,” natatawang sagot nito, nawala na ang galit sa mga mata.

“Hindi mo magugustuhan ang gagawin ko,” naniningkit ang mga mata na sabi ni Grasya.

Eksaherado namang humawak si Chard sa dibdib nito na parang natatakot. Alam niyang binibiro lang siya ng lalaki dahil ngumisi ito pagkatapos. “I promise I won’t show the video to anyone. It’s for my eyes only. Basta bumalik tayo sa nauna nating usapan na hindi mo na ipapaalala pa ang nangyari sa akin at tatawagin mo akong Chard. Just Chard.” Ipinagdiinan pa nito nang husto ang palayaw.

Saglit siyang nag-isip. Kapag kumalat ang video niya, siguradong masisira ang iniingatan niyang reputasyon. “Hindi na masama iyon. Sige. Deal!”

Pero sa loob-loob ni Grasya, alam niyang hindi naman talaga magagawa ni Chard na ipagkalat ang video na iyon. She just knew that Chard was not that kind of person. At kahit paano, alam niyang may namumuo nang pagkakaibigan sa pagitan nila. Imagine, model ito at tinitilian ng mga babae sa Maynila pero pinatuloy siya sa bahay nito, kasalo niya sa mga oras na iyon sa pagkain ng agahan, at kitang-kita niya ang kakisigan nito habang nakasuot ng boxers. Walang ganoong pribelehiyong nakukuha ang fans ni Chard, siya lang. Hindi tuloy niya mapigilang mapangiti.

 

 

MIYERKULES at naghahanda si Grasya para sa isang meeting. Nakuha niya mula kay Russ ang listahan ng mga puwedeng gawing sponsors ng ampunan at nabigyan na rin nila ng invitation ang mga iyon. Nandoon din si Russ dahil nagprisinta itong tumulong. Ngayon ang kauna-unahang pagkikita nila para mapag-usapan ang magiging takbo ng ampunan.

Alas-nuwebe ng umaga nang makompleto ang mga inimbitahan nilang sponsors. Natutuwa siyang makita ang mga residente ng Capogian Grande na may iisang layunin para makatulong sa mga batang walang tahanan.

“Everyone, I would like you to meet Miss Grasya Montemayor. I appointed her to be the head of CG Cares Orphanage. Kahit may local tayong social welfare office dito sa Capogian, pinirata ko pa rin si Grasya dahil matagal na siyang namamahala ng ganitong institusyon sa Maynila. Sa tingin ko, pumayag siya sa alok ko dahil naniniwala rin siyang kailangan ng Capogian Grande ng mga maglilingod na kapwa taga-Capogian Grande,” pakilala sa kanya ni Gov. Alcantara.

Magalang na ngumiti at yumuko si Grasya sa mga nasa harap niya. “Magandang umaga sa lahat! Unang-una po, nagpapasalamat ako kay Governor Deo Alcantara sa pagpili sa akin bilang head ng CG Cares. Isa po itong karangalan para sa akin na makatulong sa mga bata. Nagpapasalamat din po ako sa inyong lahat na tumugon sa aming paanyaya. Ngayon pa lang ay lubos na ang pagpapasalamat namin sa pagkakaroon ninyo ng napakalaking puso para sa mga batang kapos-palad. Nakakatuwang makita na binubuksan natin ang ating probinsiya para maging tahanan ng mga batang walang pamilya. Maraming salamat po.”

Pinasalamatan siya ni Gov. Alcantara nang matapos siya sa pagsasalita. “In a few weeks time, bubuksan na sa publiko ang ampunan. Gusto kong malaman ninyo na nandito na ang katuparan ng isa sa mga pangarap ng ating probinsiya. Maraming salamat. Hindi magiging posible ang lahat ng ito kung hindi dahil sa inyo.” Nagpalakpakan ang mga tao. “Hindi ko na patatagalin pa. Iiwan ko na kayo dito to let Miss Montemayor discuss with you the overview of our mission and vision. She’ll explain all the guidelines regarding the orphanage. Kung may tanong kayo, huwag kayong mahihiyang magtanong. She’ll enlighten you. And after her, Mr. Chard Tan shall give you an overview of the launching of the orphanage.”

Na-excite si Grasya pagkarinig sa pangalan ni Chard. Luminga-linga pa siya pero mukhang wala pa ang lalaki. Bumagsak tuloy ang mga balikat niya.

“He’ll be here in an hour. Sa tingin ko, nag-iisip pa iyon ng pakulo para sa opening,” tuloy ni Gov. Alcantara, saka tumawa nang mapansin ang biglaan niyang pagkabalisa. “Iiwan ko na kayo. Feel at home.” Bago ito umalis ay binigyan pa siya nito ng nakakalokong tingin.

Ganoon na ba siya ka-obvious na hinihintay niya si Chard? Gusto lang naman niyang makita ang lalaki para mawala ang kaba sa gagawin niyang presentation.

“Masama ba iyon?” depensa niya sa sarili, sabay taas ng kilay.#

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s