Dear Chard: Chapter Three

Author’s Note:

Hello! Chapter three na tayo. Ito ang link ng Chapter One, at heto ang sa Chapter two.




BAKAS ang pagkagulat sa mukha ng tatay ni Grasya nang mapagbuksan siya ng pinto ng bahay nila. “Itong batang ito! Hindi man lang nagpasabi na uuwi! Sana’y nasundo ka namin sa airport! Aba, mas malaki pa sa `yo ang mga bagahe mo, ah!” sabi nito nang makabawi, saka siya niyakap.

“Dito na po uli ako titira, `Tay. Tinanggap ko na po `yong alok ni Governor Alcantara na pamahalaan ang ampunan,” nakangiting sabi ni Grasya habang yakap ang ama.

“Mabuti naman! Naku! Alicia! Alica! Parine ka at nandito ang anak mo!” tawag ng tatay niya sa kanyang ina.

“Siguradong magugulat si Nanay!” natatawang sabi niya.

Mayamaya pa nga ay dumating na ang kanyang ina at maluha-luha ring yumakap sa kanya.

“`Wag na kayong magdrama, `Nay. Dito na nga ako titira, eh!” biro niya.

“Oo na!” Pinunasan nito ang luha at hinila na silang mag-ama. “Tara na sa komedor at kumain ng agahan. Gigisingin ko pa ang kapatid mo. Magugulat iyon at nandito ka na!” masayang sabi ng nanay niya.

Masayang-masaya si Grasya. Hindi na niya ngayon pinagsisisihan ang pagtanggap sa bagong trabaho. Iniwan man niya ang ampunan sa Maynila, makakasama naman niya araw-araw mula ngayon ang kanyang pamilya.

“No more lonely days,” sabi niya sa sarili. Napansin niya na may Internet router na nakadikit sa kisame nila. “`Tay, kailan pa kayo nagpakabit ng Internet dito sa bahay?”

“Ipinakabit ng nanay mo noong isang buwan at gusto raw matutong mag-Pesbuk. Saka nagagamit na rin ng kapatid mo sa pag-aaral.”

“Si Nanay talaga, kung kailan tumanda, saka gustong mag-Facebook!” natatawang sabi niya.

“Aba! May Wi-Fi na rin tayo, anak. Tinuruan nga ako ni Grasyela na mag-search ng kung ano-ano sa Gugeyl,” tukoy nito sa nakababatang kapatid niya. “Nakakatulong sa akin, lalo na kapag may bagong proyekto akong ginagawa. Nakakakuha ako ng magagandang design sa Internet,” nagmamalaking paliwanag ng tatay niya.

May furniture business ang pamilya nila. Ang tatay mismo ni Grasya ang nagde-design ng mga bago nilang produkto. Maraming hotel at resort sa probinsiya nila ang nagbukas kamakailan at ang tatay niya ang naging supplier ng mga kakaiba at dekalibreng furniture. Malaki ang naging tulong ng mga bagong kliyente ng kanyang ama para sa kanilang negosyo.

“Google `yon, `Tay. Hindi Gugeyl!” pagtatama niya. At saka lang niya naalala. Inilabas niya ang cell phone. “`Tay! Ano pong password ng Wi-Fi?” Ise-search ko lang si Chard Tan.

 

 

 

BUMUNGHALIT ng tawa si Grasya nang makita ang unang search result ng Google tungkol kay Chard Tan. “Ang eng-eng naman niya para mahulog sa poso negro! Yuck, kadiri!” komento pa niya.

“Sino `yan, Ate?” singit ni Grasyela.

Tatawa-tawa pa rin siya dahil hindi niya lubos maisip na ang antipatikong lalaking iyon ay nahulog sa bukas na poso negro. Isa pa, pa-Chard-Chard pa ito na tunog-guwapo at yayamanin. Iyon pala, itinatago lang nito ang kasula-sulasok na pangalan!

“Si Charlito Dario Tan! Nahulog sa poso negro!” sabay halakhak na naman. “Nilait pa niya ang pangalan kong Grasya, eh, siya pala itong may pangalang kasimbaho ng hinulugan niyang poso negro! Oh, my golly!” tuloy-tuloy pa rin niyang tawa. Siguradong kung kumakain o umiinom si Chard sa mga oras na iyon ay nabulunan na ito dahil sa pang-aalaska niya.

“Ate, para kang tanga diyan,” komento ng kapatid.

Paano naman kasi, namimilipit na si Grasya sa kakatawa. Katatapos lang nilang mag-agahan at kasalukuyan silang nakatambay sa garden sa harap ng kanilang bahay. Mabuti na lang at umabot pa ang Wi-Fi connection hanggang doon kaya naisipan niyang ipagpatuloy ang pag-Google kay Chard Tan. Eksakto at walang pasok ang kapatid niya. Puwede silang mag-bonding maghapon.

“Grasyela, ipasyal mo naman ako sa Sentro! Ano na ba ang mga bago ngayon dito sa atin?” tanong niya nang mahimasmasan.

Mukhang na-excite naman ang kapatid dahil bumangon pa ito sa pagkakahiga sa malaking sofa sa gitna ng garden. “Ate! Pumunta tayo sa Cagandahan Lounge mamayang gabi. Mixed ang schedule ngayon! Baka makita ko ang crush ko kasi sabi nila kahapon, ngayong Sabado raw sila pupunta sa bar!” kinikilig na sabi nito.

Ang Cagandahan Lounge ang isa sa pinakagustong lugar ni Grasya sa kanilang probinsiya. Pagmamay-ari iyon ni Russ na naging kaibigan niya dahil naging suki rin siya ng bar na iyon nang huling beses siyang masawi sa pag-ibig. May schedule na sinusunod ang bar. May mga araw na babae lang ang customers na puwedeng magpunta at mayroon ding araw na para lang sa mga lalaki. Ang tinutukoy ni Grasyela na mixed schedule ay ang araw na puwedeng sabay na magpunta ang babae at lalaki. Usually, mixed ang schedule kapag weekends.

“Bawal ka doon. Bata ka pa!” saway niya.

“Ate, twenty na ako! Ano ka ba!”

Napa-mental count si Grasya. Oo nga pala. Twenty years old na ang kapatid dahil siyam na taon ang agwat ng edad nila. Nasa huling taon na ito sa course na Bachelor of Science in Social Work. Hindi niya inasahan na magugustuhan ni Grasyela ang course na katulad ng sa kanya kaya nagulat siya noon nang iyon ang piliin nito. Sa kabilang bayan ito pumapasok dahil wala pang university sa Capogian Grande.

“Ang landi mo! Sige, tara mamaya. Dadalawin ko na rin si Russ,” sagot niya. Nang mapadako uli ang kanyang mga mata sa cell phone ay bumunghalit na naman siya ng tawa. “Charlito Dario! Yow, my man! Ang baho-baho ng pangalan mo! Pa-Chard-Chard ka pa? Chard-in mong mukha mo! Charlito Dario `kamo! Pinaganda mo pa!” Maligayang-maligaya si Grasya sa pang-aasar sa lalaki. Napakalakas nga ng boses niya at pati ng kanyang tawa.

“Para kang tanga talaga, Ate!” natatawang komento uli ng kapatid pero wala siyang pakialam.

“Nilait niya ang pangalan ko. Makaluma raw ang ‘Grasya.’ Eh, ikumpara mo naman sa Charlito Dario. Eww! Kadiri! Parang `yong poso negrong hinulugan niya! Charlito Dario naman pala!”

Mayamaya ay may narinig silang magkapatid na malakas na tumikhim. Palibhasa nakahiga sila sa sofang nasa gitna ng garden, hindi nila agad napansin ang lalaking lumapit sa gate.

“Excuse me. I heard my name. Kanina ko pa naririnig na isinisigaw mo ang pangalan ko. Dinig na dinig ng mga kapitbahay.”

Napabalikwas si Grasya nang marinig ang pamilyar na boses na iyon. Nang sundan niya ang boses, gusto niyang panawan ng ulirat. Nakatiim-bagang ang lalaki at kitang-kita ang pagtitimpi nito ng galit.

Sa akin? tanong niya sa isip.

Aba, malamang! Nilalait mo kaya ang pangalan niya! Isinisigaw mo pa!

“C-Charlito D-Dario?” nauutal na sabi niya. Hindi siya makapaniwalang kaharap niya ang lalaki.

Napapikit ito nang marinig ang sariling pangalan. “Chard. Just call me Chard,” matigas na pagtatama nito.

Sa hindi malamang dahilan, nawala ang pagkabahala ni Grasya. Sino ang mag-aakala na muli silang magtatagpo ng lalaking ito na nakabungguan niya sa Maynila noong isang araw lang? Hindi niya inaasahan ang mga naganap kaya excited siyang lumapit dito. Ipinagbukas pa niya ito ng gate.

“Charlito Dario! He-he-he! Nandito ka rin, Charlito Dario!” masayang sabi niya na may halong pang-aasar. Pakiramdam niya, nakaganti na siya sa pang-iinsulto nito sa pangalan niya. “Dariooow! Charlitooow! What a nice name!” Namaywang pa siya at malaki ang ngiting paulit-ulit na sinabi ang pangalan nito.

“Tama na, Miss,” babala nito.

“Miss? Hindi mo na ako natatandaan?” Umakto pa siya na parang nasaktan. Nang-aasar. “My name is Grasya. Grasya,” proud na proud na sabi niya. “Tunog-makaluma pero hindi tunog-mabaho, like Charlito Dario! OMG!” sabay halakhak.

Bumuntong-hininga si Chard, saka mabilis na tumalikod. Hindi pa rin maipinta ang mukha nito. Mabibigat ang hakbang ng lalaki na naglakad papunta sa ikatlong bahay mula sa kanila. Nang pumasok ito roon ay narinig niya ang pagbagsak ng pinto. Saka lang niya napansin ang malalaking letrang nasa gate ng bahay: T-A-N.

“Taga-Capogian Grande siya?” nakangiting tanong ni Grasya kahit alam na niya ang sagot.

Sa loob-loob niya, magiging masaya naman pala ang pagbabalik niya sa kanilang probinsiya, lalo at araw-araw siyang tatawa nang ganoon kasarap. Ang kailangan lang niyang gawin ay tingnan si Chard sa kabilang bahay at siguradong makokompleto sa saya ang araw niya.

 

 

NAGLALAKAD sina Grasya at Grasyela sa Sentro nang madaanan nila ang Banana Zone—isang café na puro saging ang main ingredient sa pagkain.

“Ito ang pinakamasarap na banana pie na natikman ko sa buong buhay ko! Mmm. Sobrang sarap!” komento ni Grasya habang nilalantakan ang biniling isang slice ng banana pie.

“Kailan lang sila naglabas ng mga bagong recipe, Ate. Pero ito rin ang personal favorite ko sa lahat,” sabi ni Grasyela habang ngumunguya.

Nang mapatingin si Grasya sa direksiyon ng Cagandahan Lounge, muntik pa siyang mabilaukan dahil bigla siyang natawa. Mula kasi sa pulang kotse ay lumabas si Chard. Sa bar din ang punta nito kagaya nilang magkapatid. Na-excite siya nang ma-realize na kompleto na naman ang gabi niya dahil maaasar na naman niya ang lalaki.

“Ubusin mo na `yan, Grasyela. Lumipat na tayo sa Cagandahan. Dumating na yata ang crush mo,” utos niya sa kapatid. Inuto pa niya ito para lalong bilisan at nauna nang lumabas ng Banana Zone.

 

 

“GOOD evening, Russ! Kumusta na?” nakangiting bati ni Grasya sa kaibigang nasa bar counter at abala sa pagmamando sa mga barista.

“Grasya! Walang’ya. I’m good. `Buti nakauwi ka uli?” ganting bati naman nito, tinapik pa siya sa balikat.

“Oo, girl. Dito na ako uli. I’ll be handling the orphanage of the province. At least ngayon, hindi na tayo makikipag-away sa mga tao kagaya noon tuwing may nakikita kang batang minamaltrato. Sa pagkakaalam ko, may temporary care din ang ampunan na puwedeng mag-alaga sa mga inaabusong bata.”

Napatango-tango ito. “Mabuti `yan at nang may makinabang sa yaman ng mga taga-Capogian Grande. Bibigyan kita ng listahan ng mga puwede mong kuhaning benefactor ng ampunan.”

Sumang-ayon siya. Kilala ni Russ ang karamihan sa mga mayayaman sa kanilang probinsiya. Palibhasa halos lahat, mayaman o mahirap, ay doon gumigimik sa lugar nito.

Habang nag-uusap sila ay hindi mapigilan ni Grasya na igala ang paningin sa paligid. Hinahanap niya ang kanyang apple of the eye, si Charlito Dario.

“One bottle of crystal head vodka, please,” narinig niyang request ng boses na iyon.

Paglingon niya, kumawala ang mahinang tawa mula sa kanya. “Charlito Dario, we meet again, my friend!” bati niya sa lalaki.

Kunot-noo naman siya nitong nilingon at pagkakita sa kanya ay tumalim ang mga mata. “Ikaw na naman?!”

“Yes. Ako nga, amigo! Sino’ng kasama mong uminom?” tanong niya nang iabot ng barista ang in-order nito.

“None of your business,” naiiritang sagot nito.

“Ang hard mo naman, kaibigan. Halika, sasamahan na kita.” Tuluyan na niyang inimbita ang sarili. Kahit hindi siya pinapansin ng lalaki ay sinundan pa rin niya ito hanggang sa makarating sila sa dulong mesa na nakatago sa karamihan. “Bakit mag-isa ka? Bakit nagtatago ka?” tuloy-tuloy niyang tanong.

Pero sa loob-loob ni Grasya, hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit ang lakas ng loob niyang kausapin ang lalaking ito. Iniinis pa niya kahit isa itong sikat na personalidad at hindi naman talaga sila magkakilala. Sadyang gusto lang niyang kinukulit ito dahil iba ang hatid nitong kaligayahan sa kanya. Kagaya nga ng sabi niya, annoying Charlito Dario completed her day.

“Bakit ba sumunod ka pa?” masungit namang tanong din nito.

“Bakit ba ang sungit mo?”

“Eh, bakit ba nangingialam ka?”

“Bakit ka tanong nang tanong?”

“Bakit ang kulit mo?” punong-puno ng iritasyong sabi ni Chard.

“Eh, bakit Charlito Dario ang pangalan mo?” biglang segway ni Grasya at sinabayan pa ng tawa. She just could not get over her fascination with his name. Nakakaramdam din siya ng kasiyahan, lalo na kapag umuusok ang ilong ng lalaki sa galit. Ganoon na ba siya kasamang nilalang?

Dios mio! Mapuputulan yata ako ng ugat sa `yo!” umiiling na sabi ni Chard.

“Suko ka na?”

“Hindi naman ako mananalo sa `yo. `Kainis,” bulong pa nito.

Inilahad ni Grasya ang kamay. “Be nice to me then. Huwag mong nilalait ang pangalan ko at hindi ko na rin babanggitin pa ang Charlito Dario. Maliwanag?” nakataas ang kilay na offer niya.

Ilang sandali pang tiningnan ni Chard ang kamay niya at parang napilitang inabot iyon. “I will be nice to you from now on,” malamig nitong sagot, saka binitiwan ang kanyang kamay. “And just to clarify things, hindi ko nilait ang pangalan mo. Sabi ko lang, tunog makaluma.”

Hindi naman maipaliwanag ni Grasya kung ano ang nararamdaman. Habang nakatingin siya sa mga mata ni Chard nang tanggapin nito ang pakikipag-ayos niya, parang may naramdaman siyang kakaibang tumulay sa sandaling pagdikit ng mga kamay nila. “S-so, sagutin mo na ako,” sabi niya, inaalis ang kakaibang pakiramdam na iyon.

Eksaheradong napakamot sa ulo ang lalaki sa labis na inis sa kanya. “Hindi ko alam kung bakit iyon ang ipinangalan sa akin ng mga magulang ko. Masaya ka na?” dere-deretsong sagot nito.

Tumaas naman ang kilay niya at saka tumikhim. “My question was, why are you drinking alone and why are you hiding here?”

Napatanga naman ang lalaki. “I thought…”

“Sabi ko naman sa `yo, maging nice ka lang at hindi na kita lolokohin. Come on. Be nice. Sagutin mo ang tanong ko.”

“I want to be alone and I’m not hiding.”

Alam ni Grasya na gusto na ni Chard na paalisin siya at mapag-isa. Pero nakaramdamam siya na may mabigat itong dinadala kaya hindi niya pinansin ang subtle nitong pagtataboy sa kanya. “Sasamahan na muna kita.” Siya na ang nagbukas ng bote ng vodka na korteng bungo ng tao at sinalinan ang sarili niyang baso. “Painom nga. I-celebrate natin ang pagbabalik ko dito sa ating munting probinsiya!”

 

 

“HINDI nga shabi ako lashing, eh!”

“Tumigil ka na nga sa kakasalita. Kitang-kita ko ngang hindi ka lasing,” sagot naman ni Chard kay Grasya. Hindi niya akalain na ang dalaga ang uubos sa alak na binili niya. Ang akala niya ay siya ang magpapakalasing nang gabing iyon para muling makalimot sa nararamdaman pero hindi pala. Hindi siya ang nakinabang sa alak na dapat ay sa kanya.

Marami silang napagkuwentuhan ni Grasya at nakakatuwa naman pala ito. Hindi puro pang-aasar lang ang alam. Nalaman niyang isa itong social worker at ito ang mamamahala sa bagong ampunan sa Capogian Grande. Napangiti siya. Mukhang mapapadalas ang pagkikita nila dahil siya ang inatasang mag-organize sa pagbubukas ng ampunan.

Wala sa hitsura at kilos ni Grasya na isa itong babaeng mahilig sa mga bata. Ang alam niya, dapat asal-madre ang mamamahala sa ampunan. Mahinhin, tahimik, mahiyain. Hindi kagaya ng isang ito na napakaingay at sobrang kulit.

“Hindi nga ako lasheng! `Kulit mo!” muling sabi ng dalaga.

“Wala namang nagsasabing lasing ka!” natatawang sabi naman ni Chard. Hindi na siya sigurado kung naririnig ba siya ni Grasya. Mabuti na lang at iisa lang sila ng lugar na tinitirhan. Kung hindi, hindi niya alam kung paano uuwi ang dalaga at kapatid nito.

“Kuya Chard, sorry kay Ate, ha? Ganyan lang talaga `yan `pag lasing. Nag-abala ka pa na isabay kami sa `yo pauwi,” nahihiyang sabi ng kapatid nito na nasa backseat ng sasakyan. Si Grasya ang nasa passenger seat.

“Okay lang, Grasyela. Magkalapit lang naman tayo ng tinitirhan. Walang problema,” nakangiting sagot niya.

“Hoy! Anong lasheng? `Di nga shabi ako lasheeeeng!” sigaw uli ni Grasya.

“Ang lakas ng tama ng ate mo!” tatawa-tawang komento ni Chard, saka nakaisip ng isang kalokohan.#

One comment

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s