Dear Chard: Chapter Two

Author’s Note:

If you missed Chapter One, click this link.

 




 

NAGMAMADALING lumabas si Grasya ng bookstore sa isang sikat na mall sa Maynila bitbit ang mga pinamili. Mayroon silang play activity sa ampunan kung saan siya nagtatrabaho bilang isang social worker. Sa katunayan, huling beses na niyang magpapalaro sa mga bata doon dahil nag-resign na siya.

Nakiusap ang gobernador ng kanilang probinsiya na pamunuan niya ang bagong tayong ampunan na suportado ng lokal na pamahalaan at mga pribadong sektor para sa mga abandonadong bata sa kanilang probinsiya at iba pang karatig-bayan. Hindi niya matanggihan ang inaalok nitong trabaho dahil nakita niya ang pangangailangan ng isang may karanasang social worker para sa bagong tatag na institusyon. Hindi lang talaga niya biglaang maiiwan ang mga bata na naging parte na ng buhay niya sa loob ng tatlong taon kaya magpapalaro pa siya at magpapakain bago tuluyang mamaalam.

“Dapat pala isinama ko na ang driver para may tagabitbit ako ng mga ito,” reklamo ni Grasya sa sarili. Kung bakit ba naman kasi nagpumilit siyang mag-drive nang walang kasama. “Ang dami. Ang bibigat!” dagdag pa niya. Wala na rin naman siyang magagawa. Kaya kahit nahihirapan ay binitbit niya ang mga paper bag. “Ay, ay, ay, ay, ay!” sigaw niya nang biglang mabunggo sa isang lalaki. Nabitawan niya ang mga bitbit.

Nagkalat sa parking lot ang mga bola, lapis, at iba pang pinamili niya. Hindi niya alam kung alin ang unang pupulutin. “Buwisit! Kung kailan naman nagmamadali! Hoy!” tawag niya sa pansin ng lalaking nakabangga sa kanya. Balak pa yata nitong tumakas dahil nakatalikod na ito at nakakailang hakbang na palayo sa kanya. “Hoy sabi! Hindi mo man lang ba ako tutulungang pulutin ang mga ito? Ni hindi ka pa nga nagso-sorry, aalis ka na agad?” galit na galit na sigaw niya habang yumuyuko at hinahabol ang naggugulungang materyales.

Nakadagdag sa inis ni Grasya ang hindi paglingon ng lalaki. “Ah, ayaw mo akong pansinin?” bulong niya, sabay asinta sa ulo nito gamit ang isang napulot na bola. Buong lakas niya iyong ibinato sa lalaki. “Sapul! Hah! Ang galing ko talagang umasinta!” natutuwang sabi niya. Para saan pa ang pagiging pitcher niya sa baseball noong college kung hindi niya tatamaan ang ulo ng lalaki? Pasalamat ito at malambot ang bolang nadampot niya.

“Damn it! Ano ba?!” asik ng lalaki at saka lumingon sa kanya, himas-himas ang nasaktang ulo. “What’s your problem?!”

Namaywang si Grasya habang pinapanood itong lumapit sa kanya. Thanks to her blurred vision, hindi niya masyadong makita ang hitsura nito. “Ako pa talaga ang may problema, ha? Ikaw nga itong nambunggo sa akin at hahayaan akong pulutin ang lahat ng gamit na ito!” Iminuwenstra niya ang mga nagkalat na gamit.

“Kailangan talagang batuhin ako ng bola? Paano kung mamatay agad ako dito? Would you take responsibility for it?” naiiritang sagot nito.

Oh, my God! Bakit ganito ang hitsura ng lalaking ito? naisip niya nang tuluyan nang makalapit ang lalaki. Galit ang mukha nito, nanlilisik at nanlalaki ang mga mata. Pero… Bakit… Paano? napipipilan niyang sabi sa sarili.

He was handsomely angry. Puwede pala iyon? Namumula ang mga pisngi at mga labi nito dahil sa sikat ng araw. Magkasalubong ang mga kilay nito. Mukhang iniinda talaga ng lalaki ang impact ng pagbato niya ng bola. Parang gusto niyang humingi ng tawad. Nakatanghod siya rito dahil sa tangkad nito na umabot na yata ng anim na talampakan.

“Answer me!” singhal nito.

Parang dragon na ang hitsura ng lalaki kung magalit.

Guwapong dragon, bawi ni Grasya sa isip.

Pero sinigawan ka niya, kastigo niya sa sarili. Hahayaan ba niya iyon? Siya na kalahi ni Gabriela Silang ay hindi maaaring sigaw-sigawan lang ng kung sinong Pontio Pilato, kahit pa anak ito ng hari!

Umakyat ang dugo sa ulo niya. “Don’t you dare shout at me,” mariing sabi niya. “Wala kang karapatang sigaw-sigawan ako dito. In the first place, kaya nagkandahulog ang mga ito, eh, dahil nagkabungguan tayong dalawa. Sorry for bumping at you dahil isang bundok ang dala-dala ko. I admit I have a mistake here because I didn’t see you coming. Pero i-acknowledge mo rin ang pagkakamali mo dito! The least you could do is help me gather all these,” tukoy niya sa mga pinamili.

“Nagmamadali ako,” rason ng antipatikong lalaki.

“Wala akong pakialam. Nagmamadali rin ako!” pagmamatigas niya.

“Mahuhuli ako sa flight ko! May bibilhin lang ako nang mabilisan. Please, Miss. Babayaran ko na lang ang perwisyong nagawa ko.” Akmang dudukutin na ng lalaki ang wallet nang muli niyang batuhin ng isa sa mga stress ball na nahagip ng kanyang kamay mula sa lupa. “Nananadya ka, eh!” galit na galit na sigaw nito.

“Akala mo matitinag ako ng mga pasigaw-sigaw mo? Hoy! Pareho tayong nagbabayad ng buwis sa Pilipinas. `Di ko kailangan niyang pera mo! Ang kailangan ko, pupulot ng mga gamit na nagkalat dito!” sigaw rin niya. Aba! Kung akala nito uurong at titiklop siya, nagkakamali ito!

“Damn it,” she heard him mutter under his breath. Kumamot ito sa likod ng ulo at tumingin sa orasan. “Fine!” napipilitang sabi nito at isa-isang pinulot ang mga gamit niya sa lupa. Pagkatapos nilang mamulot sa ilalim ng sikat ng araw, nagsalita uli ito. “Where is your car? Ihahatid na kita. Baka mabunggo ka na naman ng ibang tao,” naiiritang sabi nito.

“Hindi na. Nagmamadali ka `kamo. Napulot naman na lahat ng gamit ko. Okay na. Ako na lang. Mag-iingat na ako sa susunod,” tanggi ni Grasya. Tagapulot ng gamit lang naman ang habol niya. Hindi na niya kailangan ng tagabuhat at tagahatid sa sasakyan.

“I insist. Halika na,” sabi ng lalaki at kinuha mula sa kanya ang ibang paper bag. “Lead the way, Miss.” Hindi nakaligtas sa pandinig niya ang biglaang pagkalma ng tono nito.

Sa isip-isip niya, puwede naman palang maging mahinahon ang lalaki, may pa-beast mode pa itong nalalaman kanina. “Grasya. My name is Grasya,” pakilala niya at nauna na sa paglalakad. Sa pagtataka niya ay napabunghalit ng tawa ang lalaki. “Any problem with my name?”

“Sorry. Hindi ko lang inaasahan na may magpapangalan pa ng ‘Grasya’ sa mga anak nila. Tunog makaluma, eh. Parang lumang tao,” natatawang paliwanag nito.

Nainsulto siya. Wala pang nagsabi sa kanya na parang lumang tao ang pangalan niya. Siya nga na may-ari niyon ay hindi nagalit sa mga magulang niya. Kaya walang karapatan ang iba na lait-laitin iyon at pagtawanan. “Tell me, what’s your name?” taas-kilay na tanong niya.

Tumigil sa pagtawa ang lalaki, saka nagseryoso. “I’m Chard Tan.”

“Chard Tan? Ganoon lang kaiksi ang pangalan mo?” nagdududa niyang tanong. “Weh?” Walang matinong magulang na magpapangalan ng sobrang iksi.

“Chard Tan. That’s all I could tell you.”

Napatitig siya sa mukha nito. “Parang pamilyar ang mukha mo pati ang pangalan mo.”

Nabigla ang lalaki at natigilan. “Nasaan na ba ang sasakyan mo?” tanong agad nito at nag-iwas ng tingin.

“Mukha ka talagang pamilyar, eh. Teka, iisipin ko muna,” pigil ni Grasya sa lalaki. Hindi kasi siya makakatulog hangga’t hindi natatandaan kung saan niya nakita o narinig ang pangalan nito. It was one of the many weird things about her. Kapag ganoong parang nakita na niya o narinig ang isang bagay, kailangan niya iyong maalala, kung hindi, buong magdamag niya iyong iisipin.

“Hindi mo talaga ako kilala? Taga-Pilipinas ka ba?” nanlalaki ang mga matang tanong nito.

Hindi niya alam kung bakit ganoon ang reaksiyon ng lalaki. “Tagarito ako sa bansang ito. Since birth,” sagot niya.

Nagkamot naman ito ng ulo. “Hindi mo talaga ako kilala?” ulit na naman nito.

“Bakit ba parang hindi ka makapaniwala na hindi kita kilala? Hindi nga kita kilala. Pamilyar ka. Pero hindi ko talaga matandaan.” Tinitigan niya ito mula ulo hanggang paa. “Bakit? Sikat ka ba?” tuloy-tuloy niyang himutok. Iniistorbo kasi nito ang paghahalungkat niya sa kanyang memorya.

Lalong umilap ang mga mata ni Chard at kunwaring nauna na sa kanya. Lumapit ito sa isang sasakyan. “Ito ba ang sasakyan mo?”

Napakamot si Grasya sa ulo. “Hindi! Malayo pa dito!” Pinigilan niya ito sa braso. “Sandali kasi! Pamilyar ka talaga. Sikat ka nga ba?” ulit niya sa tanong. This time, she held his arm to emphasize her curiosity. Ayaw niya ng paligoy-ligoy.

“May Internet ka naman siguro sa bahay, `no? Just Google me. Type ‘Chard Tan’ para matahimik na `yang isip mo.” Binalingan siya ng lalaki. Dahil sa tangkad nito, nakayuko ito sa kanya at siya naman ay nakatingala rito. “Hindi mo talaga ako kilala?” Disbelief was in his eyes.

Umiling naman siya. Bakit ba? Artista ba ito? Opisyal ng gobyerno? Hindi niya talaga matandaan. Kung sikat itong artista o nilalang sa mundong ibabaw, malamang hindi lang siya updated. Hindi naman kasi siya palaging nagbabasa ng diyaryo o nanonood ng TV. Mas gusto niyang magbasa na lang ng iba’t ibang inspiring na kuwento hanggang sa makatulog kaysa sundan ang buhay ng mga artista o iba pang sikat na tao. No way. Her time was precious. Which reminded her, “Hala! Late na ako! Akin na ang mga `yan!” Nagkukumahog na kinuha niya kay Chard ang mga pinamili. Dahil sa maliit na aksidente ay nawala sa isip niya ang gagawin nila ngayon sa ampunan.

“Sandali! Baka mahulog na naman! Ako na! Ako na!” pigil nito. Nakipag-agawan pa ito nang aabutin sana niya ang isa sa mga paper bag na hawak nito. “Ituro mo na lang kung nasaan ang sasakyan mo para mabilis tayong matapos dito. Hindi lang ikaw ang male-late sa pupuntahan, Grasya.”

Tinigilan na ni Grasya ang lalaki at patakbong nagpunta sa pinakadulong parking space. Iyon na lang kasi ang available spot kanina nang dumating siya. Binuksan niya ang compartment ng sasakyan at inabangan si Chard na ilagay doon ang lahat ng bitbit nito. Nang matapos ay dali-dali niyang isinara ang hood at nagpunta sa driver’s side.

“Maraming salamat, Mr. Chard Tan. I have to go. Igu-Google pa kita.” Iyon lang at umalis na siya. Hindi pa siya nakakalayo nang tumingin uli sa rearview mirror, only to find out na sinusundan ni Chard ng tingin ang kanyang sasakyan. Ibinaba niya ang salamin ng sasakyan at inilabas ang braso, saka kumaway. She smiled when she saw him wave back.

“Hay, guwapo,” sabi ni Grasya, sabay buntong-hininga. She definitely had a nice morning today because of that Chard Tan. Ayos lang kahit pa mukhang mapapagalitan siya ng head mistress ng ampunan dahil late na siya sa schedule ng kanyang last activity. “Guwapo naman, eh!” nakangiting sabi niya.

 

 

“FAREWELL, Ate Grasya!” sabay-sabay na pamamaalam ng mga bata sa ampunan pagkatapos ng program, palaro, at kainan.

Hindi na napigilan ni Grasya ang sariling luha. Bawal sa kanila ang magpakita ng ganoong emosyon, lalo sa mga bata pero iyon naman na ang huling beses na makakasama niya ang mga ito. Kung hindi nga lang siya kailangang-kailangan sa kanilang probinsiya, hindi naman niya iiwan ang mga batang ito.

May isang batang babae na lumapit sa kanya at yumakap sa kanyang baywang. “Ate, mami-miss po kita,” sabi nito sa maliit na boses.

Lalo tuloy siyang napaiyak sa ginawa nito. Yumuko siya at kinarga ang bata. “Magpapakabait ka dito, ha? Dadalaw na lang si Ate dito sa inyo. Magkikita pa naman tayo kaya huwag kayong malungkot, okay?”

Isang bata ang umiiyak na lumapit sa kanya. “Ate, kahit masungit ka, mahal na mahal ka namin dito. Babalikan mo kami dito, ha?”

Nagsunuran na ang mga bata at pinalibutan na siya. Hindi tuloy alam ni Grasya kung sino ang unang yayakapin. Basta para sa kanya, itinuturing na niyang nakababatang kapatid ang mga batang ito. Nalulungkot siyang iwan ang mga ito pero sisiguruhin niyang hindi iyon ang huling beses na magkikita sila. Gagawa siya ng paraan.

Nang matapos ang ginawa ay nanghihinang napaupo siya sa loob ng opisina nila. Nandoon siya para sa huling beses ay makapagpaalam kay Sister Joanne, ang head ng ampunan.

“Sister, mag-iingat po kayo dito. Babalik din naman po ako paminsan-minsan para mangumusta,” sabi ni Grasya.

“Ikaw talagang bata ka. Ayos lang. Kahit umalis ka, makasisiguro ka na magiging maayos lang kami. Alam ko namang hindi mo matatanggihan ang pangangailangan sa `yo ng probinsiya ninyo. Marami ang nangangailangan sa `yo doon. Isipin mo ang mga kagaya ng mga bata dito na nandoon sa inyo na wala pang nahahanap na tahanan para sa kanila. Mas kailangan ka nila doon. Kaya masakit man na pakawalan ka, okay na rin. Para naman iyon sa ikabubuti ng mas marami pang mga bata.”

Sa huling pagkakataon ay niyakap niya ang madre na nagsilbing ikalawang magulang niya habang doon siya nagtatrabaho.

“Sister, pangako po, kapag nakaayos na ako sa amin, yayayain ko po kayo ng mga bata na magbakasyon doon. Naku! Napakarami pong magagandang lugar sa amin na puwede n’yong mapuntahan! Siguradong makakapag-relax po kayo at mag-e-enjoy ang mga bata!” masayang sabi niya para alisin ang lungkot na nararamdaman.

“O sige. Aasahan namin `yan, ha? Saan nga uli ang probinsiya n’yo?” tanong ni Sister Joanne.

“Sa Capogian Grande po!” nakangiting sagot niya.

 

 

MAAGA ang flight ni Grasya. Walang direktang flight mula Maynila hanggang sa Capogian Grande kaya ang biyahe niya ay hanggang sa airport lang ng kalapit-bayan niyon. Mula roon ay may isang exclusive bus na naghahatid hanggang sa boundary ng kanilang probinsiya.

Hindi pa gaanong kilala ng mga turista ang Capogian Grande kaya hindi pa nagkakaroon ng sariling flight papunta doon. Pero sigurado siya na kapag nalaman ng mga tao kung gaano kagandang paraiso ang munting probinsiya nila ay mag-uunahan ang mga iyon na magpunta doon.

Maliit lang ang probinsiya nila. Nahahati lang iyon sa tatlong munisipyo: ang Norte del Sol, Sentro del Sol, at Bajo del Sol. Sa bandang norte matatagpuan ang ilang bulubunduking lugar sa buong probinsiya. Mas kilala iyon ng matatanda bilang Tierra Alta. Naroon ang taniman ng saging na sa pagkakaalam ni Grasya ay pagmamay-ari lang ng iisang tao. Ang Hacienda Alcantara na pagmamay-ari ng pamilya ng kanilang gobernador ay nasa norte rin. Puro kamote naman ang mga tanim at produkto ng pamilya Alcantara.

Sa Sentro del Sol naman makikita ang iba’t ibang establisimyento, ang kapitolyo, katedral, ospital, mga eskuwelahan, ang nag-iisang Grand Morayta Mall, ang airport na ginagamit lang ng mga pribadong sektor sa pag-aangkat ng mga produkto, mga restaurant at bars, sementeryo, at iba’t iba pang maliliit at malalaking negosyo. Ang Grande Heights kung saan sila nakatira ay nasa sentro ng probinsiya.

Sa Bajo del Sol naman matatagpuan ang bagong tayong ampunan kung saan magtatrabaho si Grasya. Naroon din ang Grande Fun Town at Grande Eco Adventure Park, ilang mga lumang simbahan, at ang iba’t ibang hotel at resorts dahil malapit sa dagat. Sinasabi nga nila na kumpletos rekados na ang kanilang maliit na lugar dahil napapalibutan ng bulubundukin ang kalahati niyon at ang kalahati naman ay karagatan.

Dahil madaling araw ang flight na pinili ni Grasya, mag-aalas-siyete pa lang ng umaga nang lumapag ang eroplano sa kalapit-bayan ng Capogian Grande. Agad siyang sumakay sa exclusive bus. Ilang minuto rin ang nilakbay niya bago sila nakarating sa boundary ng Capogian Grande.

Pagkababang-pagkababa ng bus ay pinuno niya ng sariwang hangin ang dibdib. “Welcome home to me!” maligayang bati niya sa sarili at nagsimulang maglakad palapit sa arko ng Capogian Grande. Tatlong taon na rin mula nang umalis siya roon at pumunta sa Maynila para makipagsapalaran. Noon kasi ay wala pa siyang mapapasukang trabaho sa probinsiya. Pero ngayon, kitang-kita na talaga ang pag-asenso ng probinsiya. Marami sa mga kakilala niya na nagtatrabaho sa Maynila ang nagsipagbalikan na rin sa Capogian Grande dahil maraming trabaho na ang maaaring pasukan doon.

Mula sa isang maliit na probinsiya na hindi kilala, unti-unti nang nagiging bukambibig ang pangalan niyon ngayon dahil sa iba’t ibang mga produkto na ine-export na gawa sa saging at kamote. Saging at kamote kasi ang pinakamaraming tanim sa kanilang lugar kaya naman sa tingin niya, iyon ang magiging pangunahing produkto nila.

Ang huling uwi pa doon ni Grasya ay noong Pasko nang nakaraang taon kung saan nakita siya ni Governor Deo Alcantara at pinakiusapan na umuwi na lang at pamahalaan ang itatayong ampunan. Siguradong masosorpresa ang mga magulang niya kapag nalaman na doon na uli siya titira. Hindi niya ipinaalam sa mga ito ang tungkol sa pagtanggap niya sa trabaho.

Hila-hila ang tatlong malalaking maleta at ang isang backpack na nakasukbit sa balikat ay umakyat si Grasya sa nakaparadang dilaw na mini bus sa gilid ng arko. Hindi uso ang tricycle sa kanilang lugar. Mga color-coded bus lang, kaunting taxi, at electronic jeepneys ang mga pampublikong sasakyan sa kanila. Kada kulay ng bus ay may kanya-kanyang ruta ng daan. Paikot-ikot lang ang mga bus na iyon buong araw.

Tinulungan siya ng kundoktor na isakay ang mga gamit niya. Pagkalipas ng ilan pang minutong paghihintay ay umandar na ang bus. Nadaanan nila ang malalaking lupa na taniman ng saging, gayundin ang iba’t ibang mga bagong tayong bahay.

Sa Grande Heights nakatira ang pamilya ni Grasya. Bababa muna siya sa isa pang sakayan sa palengke at muling sasakay ng bus doon papunta sa kanila. Madali lang bumiyahe sa kanila dahil may mga street signs sa paligid. Hindi maliligaw ang sinumang turista na pupunta doon.

Pagbaba niya sa tapat ng arko na nagsasabing “Welcome to Grande Heights” ay nakaramdam siya ng kakaibang kasiyahan.

“I’m home! Finally!” kinikilig na sabi ni Grasya sa sarili.#

 




On Monday, I’ll post Chapter Two. 🙂

 

XOXO,

Jel Evans

2 comments

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s