Dear Chard: Chapter One

Author’s Note:

Hi, everyone! So, I’ve decided to post here on WordPress, the complete chapters of Capogian Grande Series 1: Dear Chard by Jel Evans (It’s my pen name for Precious Hearts Romances). 

You can see, in my blog’s menu, all my published books were posted under “My Books”. Read the teaser there. It’s a bit corny for others. But for us who love Filipino pocketbooks, kilig lang nang kilig. Hahaha!

If you want to see my other published works, click “My Books” up there. Or if you want to buy the actual book, click this link.




 

“HI, HONEY!” masiglang bati ni Chard, sabay halik sa pisngi ni Trixia—ang kanyang girlfriend. Sinundo niya ito sa bahay dahil ngayon ang first monthsary nila.

Nagmula sila ni Trixia sa iisang probinsiya—sa Capogian Grande. Pero nakilala lang niya ito nang makaharap niya sa isa sa mga fashion show sa Maynila kung saan isa siya sa nagmodelo ng mga dinesign nitong damit. Noon pa lang ay nagkagusto na siya kay Trixia. Matagal niya itong kinulit para lang sagutin siya. Mabuti nga at nakuha na niya sa wakas ang loob ng dalaga.

Iyon din ang unang beses na nasubok ang kanyang kakayahan sa panliligaw. Tandang-tanda pa ni Chard, apat na buwan, anim na araw, labing-isang minuto, at ilang segundo niyang niligawan si Trixia. Ito lang ang tanging lahi ni Eba na hindi agad tinablan ng charms ng dimple niya sa kaliwang pisngi.

“Hey, hon! Ang aga mo yata?” sagot ni Trixia. Until now, tanggap niyang hindi pa rin masyadong palagay at sweet sa kanya ang dalaga. Bago pa nga lang naman kasi ang relasyon nila. Pasasaan ba at lalambot din ang loob nito.

“Because I’m excited to spend the day with you!” masayang bulalas naman niya. “Happy first month anniversary!” sabi niya at iniabot ang itinatago niyang isang bouquet ng mga puting rosas at tsokolate. “Like it?”

Ngumiti lang ito at saka kinuha sa kamay niya ang regalo. Ipinatong nito iyon sa dining table at niyaya na siyang umalis. “Come on! Sayang ang araw kung maglalambingan lang tayo dito sa loob ng bahay ko,” nakangiting sabi nito.

Nanghihinayang si Chard dahil iiwan lang ni Trixia ang mga bulaklak sa mesa buong maghapon. His past girlfriends appreciated chocolates and flowers.

Baka `di niya lang trip ang mga bulaklak, konsuwelo niya sa sarili.

Hindi na niya pinansin ang malamig na pagtrato ng girlfriend. Ang sa kanya naman kasi, siya ang lalaki kaya siya ang dapat magdala ng relasyon, lalo na at kauumpisa pa lang nila. “Okay. Let me carry your bag,” pagmamagandang-loob niya.

“No. You’re not my bodyguard nor my assistant. I can carry my things,” tanggi ni Trixia.

Nagkibit-balikat na lang siya para itago ang pagkapahiya. “Honey naman, eh!” Baka madala niya sa lambing ang girlfriend. Kung ang mga babaeng niligawan nang isang buwan ay iningatan at inalagaan niya, lalo na si Trixia na talaga namang pinaghirapan niya.

Pagsakay nila sa sasakyan, pinaharurot iyon ni Chard papuntang Tagaytay. Doon niya inihanda ang sorpresa para dito. He was Chard Tan after all. A man with many connections and charms. Pinakiusapan niya ang mga kakilala at mga kakilala ng mga kakilala niya na mag-organize ng isang pakulo para matuwa sa kanya si Trixia. Tingnan lang natin kung hindi mo pa ako magustuhan nito nang sobra.

Ilang minuto na rin silang bumibiyahe nang basagin ni Chard ang katahimikan sa pagitan nila. “Are you okay, honey? Bakit ang tahimik mo yata?” nag-aalalang tanong niya at sinulyapan ito.

Tiningnan lang siya ni Trixia at saka umiling. “Nothing’s wrong, honey. I’m just as excited as you are,” sabi nito. But the look in her eyes told him otherwise.

“Why are you looking at me like that?” naguguluhang tanong niya at hinaplos ang pisngi nito.

“Like what? I’m just thrilled and happy that we’re together the whole day. Did you plan something for me?” Biglang nawala ang pag-aalala sa mga mata nito at napalitan ng ngiti.

“Of course!” magiliw na sagot ni Chard. Ilang araw din niyang pinlano at pinakiusapan ang mga kakilala para lang maisakatuparan ang gustong mangyari sa araw na iyon. “But I won’t tell you. Mamaya na lang.”

Tumango-tango si Trixia. “Pagdating natin sa pupuntahan natin, I will say something to you first. Bago mo pa man ipakita ang surprise mo para sa akin. Okay?”

“Talaga?” natutuwang tanong niya. “Will I like it?”

Nagkibit-balikat ito. “It depends, Chard,” naniningkit nitong sagot, sabay tingin sa daan. “`Di ba uuwi ka sa province later this month?” pag-iiba nito ng usapan.

“Yes. Why? Do you want to come home with me?” nakangiting tanong niya. Umaasa.

“Hindi. Marami pa akong commitments dito sa Manila. Hindi pa ako makakauwi doon agad-agad. Pero ikaw, you have to. You will be the one to organize the launching of the orphanage, right? And also the CaBan Festival.”

“You can be my secretary, do you know that? Alam na alam mo ang schedules ko!” biro ni Chard.

Natawa rin si Trixia at nawala ang awkward feeling niya kanina nang tahimik lang ito. It looked like they would have a nice day.

 

NAGLALAKAD na sina Chard at Trixia sa loob ng People’s Park. Maraming tao, kasali siguro sa pakulong ipinakiusap niya sa mga kakilala. He was excited to show off his plan. Hawak niya nang mahigpit ang kamay ng girlfriend.

“Where is the nearest restroom here?” tanong ni Trixia.

Itinuro niya ang pay lounge na katabi ng field area kung saan gaganapin ang sorpresa niya. “Do you want me to accompany you?” magiliw na tanong niya.

“No. I’ll be right back,” nakangiting sabi nito at hinalikan siya nang mabilis sa pisngi.

Nang palayo na si Trixia ay tinawagan ni Chard ang kaibigan na kasama rin niya sa kanyang events production and advertising company. Paglabas ni Trixia mamaya sa pay lounge ay magsisimula na ang inihanda niya. Kinakabahan siya. It was his first time to do such an act for a girl he liked. Kahit first month pa lang nila ni Trixia, gusto niyang iparamdam kung gaano niya ito kagusto.

Lumabas na si Trixia ng restroom pero hindi agad ito lumapit sa kanya. Umikot pa ang babae sa bandang likuran ng restroom. Agad niya itong sinundan sa pag-aakalang naliligaw ito.

Nakahanda na ang lahat. Nang magsimulang pumainlalang sa buong park ang kanta ng Itchyworms na “Ang Gusto Ko Lamang Sa Buhay” ay nagsisayawan ang mga tao.

Napangiti si Chard. His colleagues didn’t fail him. His flash mob idea was good. Nang makalapit na siya kay Trixia ay gulat na gulat ang magandang mukha nito habang pinanonood ang mga sumasayaw sa harap nila. Walang ibang mababasa sa mukha ng girlfriend kundi pagkagulat. Kaya ikinulong niya sa magkabilang kamay ang mukha nito at iniharap sa kanya. “Happy first monthsary, honey!” masuyong bati niya.

Tumingin lang sa kanya si Trixia na ikinabahala niya.

“Alam kong ayaw mo ng mga sorpresang kagaya nito. Masyadong public. But I want you to know that I am ready to show you off to the world. I really like you a lot, hon. I love you in my own little way,” sabi niya. “Is there a problem, honey?” tanong niya nang walang makuhang sagot. Nakatingin lang si Trixia sa kanya.

Napasinghot si Chard at napangiwi. Saka lang niya na-realize na nasa tabi sila ng bukas na poso negro ng restroom. May harang iyon na dilaw na metro tanda na may inaayos sa ibabang bahagi. “Honey, what are you doing here? Can’t you smell that shit?” masuka-suka niyang sabi, sabay takip sa ilong. “Let’s go there. Fresh air doon!” turo niya sa isang bench sa ilalim ng mga pine trees. Hinawakan niya ang kamay ni Trixia at hinila pero pinigilan nito iyon. Nagtataka niya itong nilingon.

“Chard, you are a good man. But I’m not the right woman for you,” simula nito. Hindi pa nag-sink in sa isip niya ang mga sinasabi ng girlfriend. Patuloy lang siya sa pakikinig dito. “I really tried my best to shoo you away from me. Pero makulit ka. Sa lahat ng manliligaw ko, ikaw ang pinakamakulit. Then I told myself, bakit hindi ko subukang magustuhan ka rin? You are handsome and nice. Sa isang buwang relasyon natin, sinubukan kong gustuhin ka, Chard. But… I. Just. Can’t,” pag-explain nito.

“W-what?” tanging nasabi niya. After all his efforts, ngayon lang sasabihin ni Trixia ang nararamdaman nito? Nakapagitna sila sa maraming tao, for Pete’s sake! Sugatan na ang puso niya, sugatan pa ang ego niya dahil nakikipaghiwalay sa kanya ang girlfriend sa harap ng maraming tao.

“I’m sorry for this, Chard. Really.”

“No! You can’t just dump me!” nagtatagis ang mga bagang na tanggi niya. Hinawakan niya nang mahigpit ang pulsuhan ni Trixia. Mag-uusap sila. At doon sila sa pribadong lugar.

“Bitiwan mo `ko, Chard,” mahinahong sabi nito. Pero hindi niya niluwagan ang hawak dito. “I said, get your hands off of me!” sigaw na nito.

Nakuha na nila ang atensiyon ng mga nagsasayaw sa paligid. Ang iba ay napatigil na at nagsimulang makinig sa usapan nila. Ang iba naman ay patuloy pa rin sa pagsasayaw at walang muwang sa nangyayaring break up.

“Mag-usap muna tayo, please. You can’t do this to me.” She couldn’t! Dahil hindi matanggap ng pagkalalaki niya!

“Yes, I can! At puwede ba? Bitiwan mo ako!” muling sigaw ni Trixia at sa kagustuhan nitong makawala mula sa kanya ay buong lakas na nagpumiglas.

Hindi akalain ni Chard na malakas ang puwersa ng dalaga. At dahil katabi lang niya ang bukas na poso negro, napasigaw na lang ang mga tao nang tuluyan siyang mapaatras at mahulog doon.

 

EMERGENCY Response Unit rescues model and event organizer, Charlito Dario “Chard” Tan from a septic tank.

 

Walang habas na itinapon ni Chard sa kung saan ang diyaryo at inisang-lagok ang alak na nasa baso. Noong nakaraang araw pagkatapos ng nangyaring pagkahulog sa poso negro ay dinala siya sa ospital para matingnan ang kanyang kalagayan. Nag-stay muna siya roon para magtago na rin sa mga press na gusto siyang ma-interview. Ayaw niyang magbigay ng opinyon at kahit anong detalye sa nangyari. Kahiya-hiya na nga ang nangyari, kalabisan pa kung haharap siya sa camera na miserable ang hitsura. Kinagabihan, sa tulong ng mga security na binayaran niya nang araw ding iyon ay nakatakas siya sa mga press na maghapong naghihintay sa labas ng ospital.

“I can’t believe that happened to me,” bulong ni Chard. Sa sobrang sakit at hiyang nararamdaman, gusto na lang niyang inumin ang lahat ng alak. Gusto niyang kalimutan ang nangyari. Gusto niyang kalimutan ang lahat ng tungkol kay Trixia. Pero paano? Kahit na hindi na niya alalahanin ang nangyari, nakatatak na sa history ng Pilipinas ang nangyari sa kanya.

“Hayup na buhay `to!” hinagpis niya habang nakayukyok sa mesa. Pinapaulanan niya ng mura ang sarili. Hindi niya matanggap na ganoon ang sinapit. Siya na isang sikat na personalidad, pinag-swimming sa poso negro ng babaeng iyon? Hindi niya matanggap. Hindi kaya ng kalooban niyang tanggapin na nagawa iyon sa kanya ng isang babae! Galit na galit siya dahil naapakan nito ang pagkalalaki niya sa harap pa ng maraming tao. At hindi man niya aminin, mas matimbang ang sakit na nararamdaman dahil sa pakikipaghiwalay nito. Iyon ang unang beses na nag-effort siya nang husto para magustuhan ng isang babae. Pinaghandaan pa man din niya ang araw na iyon para sorpresahin si Trixia. Pero siya pala ang masosorpresa nang sobra.

Iisa lang ang gustong gawin ni Chard, ang magtago sa mundo dahil sa kahihiyang sinapit. Gusto niyang makatakas sa kabi-kabilang miyembro ng media na gusto siyang ma-interview. Kaya magtatago muna siya. At wala siyang ibang naiisip na lugar na mas ligtas at payapa kaysa sa probinsiyang kinalakihan bago siya nagpunta sa Maynila. Ang probinsiya ng Capogian Grande. Alam niyang tagaroon din si Trixia at posible silang magkita pero hindi naman siguro sila pagtatagpuin ng tadhana.#

 




 

Looking for Chapter Two? Be sure to follow this blog so you can be updated kapag inilagay ko na rito sa WordPress. Hehehehe! I-a-update ko ito with the link of Chapter Two once na ma-post ko na.

For now, let me know your impressions in the comment section below. Posting my works is like opening my vulnerable self to you. Kaya maraming salamat for taking time to read up until the last word of this chapter.

 

XOXO,

Jel Evans

3 comments

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

w

Connecting to %s